DMW Lalong Pinaigting ang Laban Kontra Online Job Scams sa OFWs

Mas pinaigting ng Department of Migrant Workers (DMW) ang kanilang aksyon laban sa lumalalang problema ng mga online job scam na nanlilinlang sa mga Pilipinong naghahanap ng trabaho sa ibang bansa.
Ayon kay DMW Secretary Hans Leo J. Cacdac, aktibong nakikipagtulungan ang ahensya sa mga social media platforms gaya ng Facebook at TikTok para tanggalin ang mga pekeng job postings. “Nakapagtala tayo ng 73,714 take downs sa Facebook at TikTok. Araw-araw ay patuloy ang ating monitoring at may aktibong kooperasyon tayo sa Meta para labanan ang mga sindikatong gumagaya sa mga lehitimong recruitment agencies,” ayon kay Cacdac.
Ibinahagi naman ni DMW Undersecretary Bernard P. Olalia na may mga isinasagawang online surveillance ang ahensya. Sa kanyang pahayag, hinimok ni Senator Raffy Tulfo ang DMW na magdagdag pa ng 20 hanggang 30 surveillance teams upang mapabilis ang pagtukoy sa mga panloloko.
Nagpahayag ng pag-aalala si Senator Tulfo matapos makatanggap ng mga ulat na ginagamit ang mga pekeng overseas job offers para makuha ang tiwala ng mga aplikante at maitulak sila sa human trafficking, kung saan pinipilit silang magtrabaho sa tinatawag na mga “scam hubs.”
Samantala, kinumpirma ng DMW ang kanilang patuloy na tulong sa mga OFW na biktima ng scam hubs. Sa tulong ng Migrant Workers Office (MWO) sa Bangkok, nabibigyan ng tulong pinansyal at assistance ang mga nailigtas na OFW sa pamamagitan ng AKSYON Fund. Mahalaga rin ang pagkuha ng testimonya mula sa mga biktima para matukoy ang mga illegal recruiter.
“Yung mga places na may recruitment hubs like Lao PDR, Cambodia, at Myanmar wala pa tayong MWO but we promise this year magtatayo ng MWOs in these places. May 1348 hotline tayong bukas 24/7. Lahat ng reklamo ay iniendorso natin agad sa DFA para sa agarang aksyon at rescue operations,” dagdag pa ni Cacdac.
Tiniyak din ng DMW ang tuloy-tuloy na pakikipagtulungan sa Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT) at iba pang ahensya ng gobyerno para mas maprotektahan ang mga Pilipinong nangangarap makapagtrabaho sa ibang bansa.
“Lahat po ng nabiktima ay tinulungan natin. Binigyan natin ng AKSYON fund assistance. Yun pong pondo na itinalaga ninyo na aprobado rin ng ating Pangulo. And then yung ating pagkakaroon ng pagkuha ng statements nila sa kaso natutukoy nila kung sino ang illegal recruiter nila dito. At finoforward naman natin sa DOJ, sa IACAT,” sabi ni Cacdac
Related
Related
From the Archives
Watch our previous Bantay OCW episodes
All Rights Reserved 2025 © OFNMedia.net