Tulong Legal para sa mga OFW na Nahaharap sa Kaso sa Ibang Bansa, Hatid ng AKSYON Fund
Sa pamamagitan ng Assistance to Nationals o AKSYON Fund, tiniyak ng Department of Migrant workers (DMW) ang kanilang pangakong magbigay ng legal na tulong at pangkalinga sa mga overseas Filipino workers (OFW) na nahaharap sa mga kasong kriminal o naaaresto sa ibang bansa.
Alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na tiyaking ligtas at protektado ang mga OFW, binigyang-diin ni DMW Secretary Hans Leo J. Cacdac na may nakahandang mga protocol para suportahan ang mga kababayang nasa krisis sa ibang bansa. Kabilang dito ang pagbibigay ng legal na representasyon, pagdalaw sa kulungan, at tulong pinansyal sa ilalim ng AKSYON Fund.
“Sa mahal naming mga OFWs at OFW families, makakasiguro po kayo ng tapat na serbisyo at mga programa para po sa inyong kapakanan sa ilalim ng Marcos Administration. Kabilang na po dito ang legal, medical, at financial assistance sa pamamagitan ng AKSYON Fund,” sabi ni Secretary Cacdac.
Ibinahagi rin ni Cacdac ang kaso ng 17 Pilipinong naaresto sa Qatar dahil sa umano’y illegal assembly, kung saan ibinasura ang mga kaso laban sa kanila sa tulong ng legal na interbensyon ng gobyerno. Tinalakay din niya ang mga tanong ni Senador Imee Marcos sa ginanap na pagdinig sa Senado noong Abril 10, 2025, kaugnay sa pagkakaloob ng due process at legal aid sa mga OFW na nahaharap sa kaso. Ayon kay Cacdac, may mga na nakatalagang abogado at legal retainers ang DMW na agad umaaksyon sa mga ganitong insidente.
Ang AKSYON Fund ay dagdag na suporta sa Legal Assistance Fund (LAF) sa ilalim ng Migrant Workers and Overseas Filipinos Act, at kasalukuyang tumutugon sa mahigit 1,198 aktibong kasong legal. Dagdag pa ni Cacdac, may mga kasunduan para sa repatriation ng mga OFW na nagsisilbi ng sentensiya, depende sa kasunduang pinirmahan ng Pilipinas at ng host country.
“Palagi pong pakatandaan na nandito ang ating gobyerno, ang ating Pangulo na patuloy na nagpapaalala sa amin na pangalagaan ang ating mga OFWs, lalo na sa panahon ng matindi nilang pangangailangan,” pagtatapos ni Secretary Cacdac.
Related
Related
From the Archives
Watch our previous Bantay OCW episodes
All Rights Reserved 2025 © OFNMedia.net